Ano ba ang lalala pa sa inaapi ka ng kapitbahay mo? ‘Yung kinakampihan pa ito ng mga senador na dapat ay nagtatanggol sa iyo?
Kaya yata nagkaroon ng pangil ang nakapanliliit na bansag na TSINATORS.
Sabi ni Senador Marcoleta, ang Kalaayan Island Group “lies outside our EEZ.” Sabi pa niya, “Ang gawin po natin para madali, i-give-up natin ang KIG.” (He has since denied this.)
Oportunista na nga, mali pa ang datos. Una, pasok ang KIG sa teritoryo ng Pilipinas na nakabatay sa soberanya. Hindi ito nakabatay sa sovereign rights na nagmumula sa Exclusive Economic Zone na sinusukat 200 miles from the baseline, Senador. Parang sinabi mo sa United States na bitawan ang Hawaii dahil labas sa EEZ ng mainland.
Mahaba ang kasaysayan ng KIG na bahagi ng Pilipinas, maging nang panahon ng Kastila, at sa panahon ng okupasyon ng Amerika.
1978 pa lang, idineklara na ng Pilipinas sa pamamagitan ng presidential decree na bahagi ng Pilipinas ang KIG. Munisipalidad ito ng Palawan. At malinaw ang tuloy-tuloy na awtoridad natin dito — tinirhan ito ng mga Pilipino, at nasa ilalim ito ng pamamahala ng Pilipinas.
Sentro ng KIG ang Pag-asa Island, na may paaralan, clinic, may komunidad ng mangingisda, at may opisina ng Commission on Elections para sa 400 na residente doon.
Mga senador, hindi up for debate ang Kalayaan Island Group. At mabuti pang manahimik na kayo sa isyu ng teritoryo dahil hindi lang nagmumukha kayong ill-informed, nagmumukha rin kayong Tsinators.
Sabi ni Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batombacal, “alarming” ang bitaw ng mga senador dahil maaari raw gamitin ang mga statement nila laban sa atin sa international stage.
Ang ipinagtataka namin, bakit itinataya ng ilang senador ang popularidad nila gayong alam nilang matindi ang anti-China sentiment sa bansa. Ayon sa isang OCTA Research survey na isinagawa noong Disyembre, 60% ng mga Pilipino ay “distrustful” sa Tsina at tinitingnan itong pinakamalaking banta sa bayan.
Sabi ni Herbie Gomez ng Rappler, hindi raw tumataya ang mga pulitikong ito dahil sa prinsipyo, kundi dahil sa kalkulasyon nila na ang susunod na presidente ng Pilipinas ay bata ng Tsina. “Political opportunism” daw ito na “profoundly dangerous.” (BASAHIN: [Pastilan] How many Filipinos learned to love China’s puppet show)
Noong panahon ni Rodrigo Duterte bilang presidente, nag-pivot ang Pilipinas sa Tsina mula sa Estados Unidos. Nabaliktad na ang lahat ng ito nang naupo si Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo. Pero hindi malayong mag-flip na naman ang foreign policy ng bansa kapag ang anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte ang tumakbo at nanalong presidente.
Sa pinakahuling ulat, pinuputakti ng mga troll ang dating mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio, na payag daw sa isang debate laban kay Marcoleta. Pero ang nakakatawa, ang balik ni Marcoleta kay Carpio: sasampahan niya raw ito ng kasong “treason” dahil sa desisyon nito sa kasong Magallona vs Ermita noong 2011. Para lang titser na sinagot ni Carpio si Marcoleta na ang charge na “treason” ay sa panahon lang ng giyera.
Halata namang attempt ito ni Marcoleta na guluhin ang diskusiyon, at pagtakpan ang communication blunder niya sa statement na “i-give up na lang ang KIG.”
Nasabi na ang lahat ng masasabi sa mga asta ni Marcoleta, at talaga namang iginisa siya ng netizens dahil dito.
Habang tinatahak ng bansa ang masalimuot na geopolitical issue ng West Philippine Sea, mainam ding tingnan si Marcoleta, na kabilang sa hanay ng mga pulitikong pumapanig sa Tsina. Mas nuanced nga lang ang mga nauna sa kanya at hindi nabibitag sa sarili nilang salita.
Ito’y dahil power center ang Tsina sa ating pulitika. Maliban sa impluwensiya nito sa mga politiko, naghahasik din ito ng disimpormasyon gamit ang provocative language, at nagbubuhos din ito ng pera bilang soft diplomacy sa ilang piling probinsiya.
Sabi sa pambansang awit: “Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi | Ang mamatay nang dahil sa ‘yo.” Habang alam nating ekspresyon lang ito ng pinasidhing nasyonalismo, sana’y huwag maliitin ng mga kakampi ng Tsina ang damdaming makabayan ng mga Pilipino.
As cool heads prevail, dapat ibalik ang diskurso sa anong landas ang magdadala ng pinakamainam na ganansya sa Pilipinas — sa larangan ng soberanya at ekonomiya. Isang landas na hindi nangangayupapa, at maipagmamalaki natin bilang Pilipino. – Rappler.com

The global digital economy is undergoing a structural transformation. As centralized platforms face growing scrutiny over con
